PatrolPH

'Di lang sa Boracay: Mga tauhan ng BFP Region 6, namasyal din sa Antique

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 08:12 PM

ILOILO CITY - Nakarating kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang larawan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Regional Office 6 habang nagkakasiyahan sa isang resort sa bayan ng Anini-y sa Antique.

Patuloy ang imbestigasyon na isinasagawa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City sa mga tauhan ng BFP Region 6 matapos magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga tauhan nito. Nauna nang nakumpirma na pumunta rin ang grupo sa Boracay para sa isang despedida. 

Base sa nakuhang mga impormasyon ng city government, lumalabas na sakay ng barko ang babaeng kawani ng BFP mula sa Cebu pero hindi kasama ang kaniyang pangalan sa manifesto.

Sinundo ito ng kaniyang nobyo na isang Fire Officer 1 (FO1) at isa pang babaeng opisyal ng BFP 6 at dinala sa isang quarantine facility sa Iloilo City at nanatili doon hanggang Hunyo 8.

Noong Hunyo 6, sumama sa grupo ng mga tauhan ng BFP 6 ang nobyo ng nagpositibong BFP personnel. Nagpunta ang grupo sa isang pribadong beach house sa Anini-y, Antique, kasama ang kasisibak pa lamang na regional director ng BFP 6 na si Fire Senior Supt. Roderick Aguto.

Nanatili sa Antique ang grupo mula Hunyo 6 hanggang Hunyo 7. Makikita sa mga larawan na hindi sumunod sa physical distancing ang grupo habang nag-iinuman at wala rin silang mga suot na face mask.

'Di lang sa Boracay: Mga tauhan ng BFP Region 6, namasyal din sa Antique 1
Nakarating kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang larawan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Regional Office 6 habang nagkakasiyahan sa isang resort sa bayan ng Anini-y sa Antique. Larawan mula sa Iloilo City Mayor's Office

Noong Hunyo 8, dinala na sa BFP Regional Office ang babaeng personnel at nanatili doon hanggang Hunyo 11.

Noong Hunyo 12, pumunta sa Boracay ang babaeng personnel kasama ang iba pang kasamahan sa BFP. Nanatili sila sa isang hotel hanggang Hunyo 14.

Noon din bumalik sa Iloilo City ang babaeng personnel matapos malamang nagpositibo siya sa COVID-19. Nauna nang naiulat na sumailalim ito sa COVID-19 test unang linggo ng Hunyo at dapat sana'y naka-quarantine ng 14 araw, pero sumama ito sa Boracay ilang araw lang ang nakaraan.

Mismong si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na ang nagkumpirma na nagkaroon ng "despedida party" si Aguto sa Boracay bago pa man binuksan ang isla sa mga turista noong Hunyo 16.

Ikinagalit ito ng opisyal dahil tahasan itong paglabag sa quarantine regulations. Kinailangan din i-quarantine ang halos 200 taong nakahalubilo ng grupo noong nasa isla, habang binawi ang accreditation ng hotel kung saan sila tumuloy.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Treñas sa telepono, ang mga nakalap na impormasyon at mga larawan ay kabilang sa mga ebidensyang isusumite para sa reklamong isasampa ng city government laban sa mga personnel ng BFP 6.

Pinaiimbestigahan rin ni Treñas ang ilang empleyado ng Iloilo City Planning and Development Office dahil pumunta rin ang mga ito sa beach house na pinuntahan ng mga taga-BFP. 

Hunyo 13 naman nang pumunta ang mga ito sa Antique. 

Minabuti ng alkalde na ipasailalim ang mga ito sa RT-PCR test upang makasiguro na walang sakit ang mga ito.

Bukod kay Aguto, sinibak na rin ang 28 BFP personnel na kasama sa lakwatsa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.