PatrolPH

DA nanindigang kailangan ituloy ang importasyon ng karneng manok

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 07:05 PM

MAYNILA - Nanindigan ang Department of Agriculture na hindi nila basta mapapatigil ang importasyon ng manok sa kabila ng panawagan ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na pansamantalang itigil muna ito dahil sobra-sobra ang lokal na supply na dapat unahing ibenta at maubos mula sa mga cold storage.

Nagkaroon umano ng oversupply matapos ang mga lockdown kung saan nagsara ang mga restaurants at mga hotel na maramihan kung kumuha ng supply ng manok. Bumaba rin umano ang demand kaya nahirapan ang mga chicken producers na ibenta ang kanilang mga manok.

Sabi ng DA, bukod sa may obligasyon ang bansa sa World Trade Organization na mag-export at mag-import, paliwanag ng Bureau of Animal Industry (BAI) na may mga partikular na pangangailangan ang ibang sektor gaya ng mga meat processors na hindi kayang ibigay ng local producers.

Ayon kay BAI Director Dr. Ronnie Domingo sa isang press conference ngayong hapon, walang mga makinarya sa bansa para ibigay ang mga particular na pangangailangan ng mga meat processors kaya kailangan mag-angkat.

“Ang sabi po kasi nila sa ibang bansa, 'yung natitirang karne-karne sa manok, may makinang pinanghihigop doon eh at iipunin 'yun para medyo paste na ito. Ang tawag diyan, mechanically deboned meat. Mura po 'yun, 'yun ang ini-import sa Pilipinas tapos 'yun ang idadagdag sa hotdog, sa mga delata,” aniya.

“'Yung mga broiler producers po natin, ang maibebenta lang nila 'yung buong manok. Halimbawa 'yung isang importer ang gusto lang niya ay puro leg parts, puro pakpak, puro chest, ganun lang. Sa ibang bansa may cutting facility sila na ganun,” dagdag pa niya.

Ito rin ang paliwanag ng Philippine Association of Meat Processors Incorporated (PAMPI) sa Department of Agriculture.

Sinabi ng PAMPI sa DA na dahil sa mga imported chicken at chicken parts ay nakapag-produce ang kanilang mga miyembro ng mga delata na nakapagtawid sa gutom ng maraming Pilipino noong panahon na mahigpit ang lockdown.

“During the 90-day period ending May, our plants produced an unprecedented volume of 256.2 million cans of shelf-stable products that were distributed to and by national relief agencies, LGUs and volunteer groups throughout the country. The meats that are being sought to be banned have become part of the solution that prevented food riots from happening which critics of the government had wished for.”

Umalma ang UBRA at sinabing dapat unahin muna ang lokal na supply at tulungan ang lokal na mga chicken producers na gumawa ng paraan para maibigay ang mga pangangailangan ng mga meat processors.

“Kung sinunod nila sana, kung nakikinig sila sa industriya nang matagal na, eh sana tinulungan nilang makapag-set up or makagawa ng ganyan 'yung maraming namumuhunan dito. Hindi nila ginawa 'yun dahil ang priority nga, importation, hindi tinutulungan ang industry,” ayon sa presidente ng UBRA na si Elias Inciong.

Sa ngayon, naghahanda na ang UBRA at iba pang grupo ng agrikultura para palakasin ang panawagan na itigil ang importasyon ng mga pagkain at palakasin muna ang local production habang may pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.