MAYNILA - Patay ang isang barangay chairman at nasugatan din ang isang kagawad sa isang pamamaril sa Quiapo, Maynila nitong Miyerkoles.
Dead on arrival sa ospital si Abubacar Sharief, chairman ng Barangay 384, Zone 39 ng Quiapo.
Naka-duty sa barangay outpost sa Globo De Oro Street umano si Sharief kasama ang tatlong kagawad bandang alas 11 ng gabi nang dumating ang ilang armadong kalalakihan na pinadapa ang mga nasa outpost at pinagbabaril si Sharief.
Iba-ibang tama ng bala sa katawan ang agad ikinamatay ng kapitan. Sugatan din si Malik Abdullah nang mangyari ang pamamaril.
Nagpapagaling na siya sa ospital.
Ayon kay Sta. Cruz Police commander Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, tinitignan nila ang ilang anggulo sa pagpatay, kabilang na ang pulitika at negosyo.
Noong 2012 nang mapatay rin sa pamamaril ang ama ng nasawing biktima na si Zainal Sharief.
Incumbent barangay chairman noon si Zainal na pinagbabaril sa loob ng kanilang bahay.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen.--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, Quiapo, Manila, Maynila, Quiapo barangay chairman, shooting, killing, murder