Bacolod nadagdagan ng 5 bagong kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 10:55 PM

Nadagdagan ng 5 bagong kaso ng COVID-19 ang Bacolod City, Negros Occidental, ayon sa mga lokal na opisyal nitong Huwebes.

Kabilang dito ang isang 38 anyos na babae na napag-alamang positibo sa sakit nitong Miyerkoles.

Galing Maynila ang pasyente at agad sumailalim sa 14-day quarantine pagdating ng lungsod. 

Nakauwi na ng bahay ang babae nang matapos ang quarantine nito noong Hunyo 11, pero lumabas sa resulta ng RT-PCR test na positibo ito sa COVID-19. Agad na kinordon ang lugar kung saan nakatira ang babae.

Ayon kay Estefania Barangay Chairman Jerry Tingson, madalas umanong lumabas ang babae kasama ang pamilya nito upang mamalengke bago pa nailabas ang resulta.

Ayon kay Dr. Grace Tan, tagapagsalita ng City Inter-Agency Task Force, asymptomatic ang pasyente.

Samantala, 4 na repatriated OFWs ang nagpositibo rin sa COVID-19. Pawang asymptomatic ang mga pasyente at nagpapagaling sa quarantine facility ng lungsod.

Sa kabuuan, may 27 COVID-19 cases sa Bacolod City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.