8 OFW na tigil-trabaho sa Saudi nangangalakal ng gulay, basura

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 01:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Dahil sa kawalan ng trabaho, ilang grupo ng overseas Filipino workers sa Riyadh, Saudi Arabia ang nanlilimos at nangangalakal na ng basura at kumakain ng tinapong prutas at gulay sa palengke sa harap ng banta ng coronavirus. 

Kuwento ng aluminum technician na si John Carlos Valdez, mula Abril ay nawalan na sila ng trabaho. Naninirahan pa rin sila aniya sa villa na inilaang tirahan ng mga employer, pero wala na umano silang sinasahod. 

Dahilan ito para regular silang pumunta ng palengke para halungkatin ang overripe na gulay at prutas na tinatapon doon. 

"Malinis naman po, sir. 'Yun lang po naitapon na sa garbage so parang hindi na po 'yun malinis. Pero kasi wala po kaming choice. Malinis po 'yan para sa amin para may makain kami sir sa araw-araw," ani Valdez sa panayam sa “Lingkod Kapamilya” ng Teleradyo.

Para naman makakuha ng pera, nanlilimos din daw umano sina Valdez sa mga kakilala nilang kababayan na nagtatrabaho roon, Aniya, hindi umano nila ito nararanasan sa Pilipinas. 

"Hindi po namin naranasan 'yan sa Pilipinas. Dito lang talaga. Hindi namin ine-expect na mamumulot kami,” ani Valdez. 

Sinubukan din umano nilang lapitan ang Philippine Overseas Labor Office ng Riyadh sa Saudi Arabia, pero wala rin umano silang napala gawa ng limitadong operasyon ng ahensiya kasunod ng pagpositibo ng ilang empleyado nito sa COVID-19. 

Hindi umano sila inasikaso ng security guard na nasa tanggapan at pinabalik na lang umano sila dahil kailangan ng appointment. 

Pero ang giit nina Valdez, hindi gumagana ang website ng POLO kaya't binigyan na lang sila ng number ng guard nang makakausap. 

At nang may makausap na staff si Valdez na nangangalang Henry Tianero, giit nitong pinaikot ikot pa sila sa usapan kaya wala rin umano silang usad. 

Watch more in iWantTFC

Ipinaliwanag ni Jay Teves, officer-in-charge ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kalagayan ngayon sa tanggapan ng POLO, ngayong limitado ang kanilang operasyon gawa ng coronavirus pandemic. 

“Pansamantalang nagsara ang POLO sa Riyadh dahil nagpositibo sa COVID-19 at sila po ay naka-quarantine kaya by appointment po muna ang visitation namin,” ani Teves. 

Planong makipag-ugnayan ng OWWA sa kampo nina Valdez. 

Makikipag-ugnayan din ang tanggapan sa employer at sa recruiting agency nina Valdez lalo na’t kailangan nilang magbigay ng tulong.

Watch more in iWantTFC

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello, sisikapin nilang ayusin na ang mga flight ng mga nais nang magpa-repatriate mula Riyadh. 

"Naka-lockdown ang Riyadh pero sa next available flight isasama namin sila unti-unti," ani Bello. 

Hahabulin din nila aniya ang mga recruitment agency na umano'y nagpabaya sa mga OFW. 

Direkta na rin nilang iuugnay aniya kay POLO chief Labor Attaché Nasser S. Mustafa ang sitwasyon nina Valdez. 

"Kakausapin ang Labor attache at kung maaari sana 'yung pangalan at number ay matawagan kay Labor Attache Mustafa. Hindi dapat naghihirap 'yung aming kababayan," ani Bello. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.