78 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Eastern Visayas region

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:36 PM

Umakyat na sa 324 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Eastern Visayas nitong Huwebes matapos makapagtala ng karagdagang 78 na bagong kaso.

Ayon sa Department of Health, ang paglobo ng bilang ng mga kaso sa rehiyon ay dahil sa mas malaking testing capacity ng Eastern Visayas Regional COVID-19 Testing Center (EVRCTC).

"Dati, nasa 90 testing capacity lang po tayo. Ngayon, umabot na tayo ng 300 plus testing capacity... Nagko-contribute din ang ating laboratory sa private hospital," paliwanag ni John Paul Roca, ang regional information officer ng DOH sa Eastern Visayas.

Karamihan sa mga kaso na naitala ay mga umuwi sa probinsya mula sa Metro Manila, Cebu at iba pang lugar.

Sa 324 na kaso, mahigit kalahati ay mga repatriate.

Tatlumpong health workers na rin ang nahawaan ng virus.

Pinangangambahan naman ng DOH ang posibilidad ng malawakang local transmission.

"As to latest results, meron na naman nadagdag na apat na walang history of travel. Meron po silang close contact sa ating mga positive case," paliwanag ni Roca.

Samantala, iniimbestigahan na rin ng DOH ang posibilidad ng unang kaso ng COVID-19 death sa rehiyon.

Nitong Huwebes, umakyat na sa 27,799 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa, kung saan 1,116 na ang namatay habang 7,090 naman ang gumaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.