5 hinihinalang NPA patay sa engkuwentro sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 11:09 AM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang ilang bala na naiwan matapos ang engkuwentro nila sa mga umano'y miyembro ng New People’s Army sa Mabinay, Negros Oriental. Larawan mula sa 11th Infantry Battalion ng Philippine Army

MABINAY, Negros Oriental — Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng New People’s Army matapos makasagupa ang militar at pulisya sa bayan na ito, Huwebes ng madaling-araw. 

Ayon sa ulat ng Philippine Army, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente ng Sitio Talingting, Barangay Luyang na may isang wanted person na may kasamang armadong grupo sa 2 bahay roon. 

Nang malapit na ang mga awtoridad na may dalang warrant of arrest, sumiklab anila ang putukan na tumagal ng kalahating oras.

Kabilang sa 5 nasawi si alyas Sayas Ribilista na may arrest warrant. 
 
Natagpuan ng tropa ng gobyerno sa lugar ang 3 M16 rifles, isang AK-47, isang caliber 45 pistol, mga magazines, 4 na rifle grenade, isang improvised na pampasabog, mga bala at subversive documents na may high-intelligence value.

Noong nakaraang taon, iniugnay rin ng mga awtoridad ang NPA sa torture at pagpatay sa 4 na pulis, gayundin sa pagpaslang ng isang abogado, kaniyang asawa, at ilan pang residente sa Negros Oriental. 


Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.