PatrolPH

4 fire volunteer sugatan sa pagsalpok ng trailer truck sa kanilang fire truck

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:10 AM | Updated as of Jun 18 2020 07:27 PM

MAYNILA - Sugatan ang 4 na fire volunteer mula Caloocan nang bumangga ang isang trailer truck sa sinasakyan nilang fire truck sa Ermita, Maynila Huwebes ng madaling-araw.

Bumabaybay ang fire truck ng Execom Fire & Rescue sa UN Avenue papuntang Taft Avenue nang salpukin ito ng 14-wheeler sa intersection ng San Marcelino Street pasado alas 12:30 ng umaga. 

Naipit ang isa sa mga pasahero ng fire truck na si Athan Jake Dayandayan, 16, nang tumagilid ito sa pagkabangga.

Kinailangan pang i-angat ng isang forklift ang harapan ng naturang truck para matanggal ang naipit na si Dayandayan. Ikinarga ang sugatang binatilyo sa nahiwalay na panel board ng truck at dinala 
ng mga tumulong sa ospital sa UN Avenue. 

Watch more on iWantTFC

Ayon sa ina ni Dayandayan na si Lady Ann, ooperahan ang binatilyo sa ulo dahil sa pagkatama nito.

Dinala rin sa ospital ang tiyuhin ni Dayandayan na si Francis, 37, na nagmamaneho ng fire truck, pati ang ibang sakay na sina Nile Peralta, 20, at Joan Santos, 26.

Ayon kay Santos, may dinaanan sila sa Pandacan at pabalik na ng Caloocan nang salpukin ng trailer truck. Nagpatunog pa sila ng sirena bilang babala nang makita ang truck pero nagtuloy pa rin ito ng takbo.

Kasamang tumulong sa pag-alis sa naipit ang pahinante ng trailer truck ng Andrei Vincent Freight services na si Geron Dumali.

Kuwento niya, galing Manila Harbor ang trailer truck at magkakarga pa lang ng gamit bago tumuloy ng Batangas. 

Aminado ang pahinante na nakaidlip siya kaya hindi alam ang buong nangyari.

Dinala ang driver ng trailer truck na si Marck Tabayan sa Vehicle Traffic Investigation Section ng Manila Police. Ayon sa mga sakay, nagtangkang tumakas ang driver pagkatapos ng banggaan. Pero nilagay siya agad sa kustodiya ng pulis. 

Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with physical injuries.

Inabot ng mahigit 2 oras bago naialis sa kalsada ang nagbanggaang sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.