2 bata at isa pa, patay sa sunog sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:06 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Tatlo, kabilang dalawang bata, ang nasawi sa isang sunog sa Barangay Bagong Nayon, Antipolo City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jenny Tabon, 38, Cyrus Andrei Geronimo, 7, at Clark Jade Cambronero, 3.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-Antipolo, naipit sa kanilang mga bahay ang mga biktima dahil sa laki ng sunog na nagsimula pasado 4 ng hapon.

Naapula ang naturang pagsiklab mga alas 5:30 ng hapon. Pasado alas 9 ng gabi nang makuha ang mga bangkay.

Ayon sa BFP, nasa 10-13 bahay ang natupok at nadamay ang isang maliit na pabrika.

Ang mga apektadong pamilya ay nakalikas naman sa barangay at sa kanilang mga kaanak.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsalang iniwan nito.--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.