P6.8-M shabu nasamsam sa Mandaluyong; 3 miyembro arestado

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 04:37 AM | Updated as of Jun 18 2019 06:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang 3 miyembro umano ng Boratong drug syndicate sa buy-bust operation sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City Lunes ng gabi.

Nasamsam sa mga suspek ang 15 pakete ng hinihinalang shabu na may halagang P6.8 milyon.

Hinuli ang 2 lalaki at 1 babae nang mabilhan sila ng droga sa nagpanggap na buyer.

"Matagal nang tinatrabaho ng RDEU (Regional Drug Enforcement Unit) ang grupong ito... Before several attempts na ma-entrap sila, 'di natutuloy. Kanina na-entrap na," ani National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Eleazar.

Konektado aniya ang mga suspek kay Amin Boratong, lider ng isang drug group na nagtutulak umano sa Metro Manila at Rizal.

"May na-neutralize na, ang iba nakakulong na, iba wala na, pero meron pa ring mga galamay na ginagamit dahil na rin sa netwok na na-build nila," dagdag ni Eleazar.

Pinabulaanan naman ng mga hinuli na sangkot sila sa ilegal na transaksiyon.

"Pinaabot lang sa amin," ani ng babaeng suspek.

Sasampahan sila ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.