May-ari ng chopper na ginagamit ng Kapa founder, inaalam ng NBI

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 09:00 PM

GENERAL SANTOS CITY - Inaalam ng National Bureau of Investigation (NBI) kung kanino naka-rehistro ang helicopter na ginagamit ng founder ng Kapa Community Ministry International na si Pastor Joel Apolinario.

Ayon kay Regner Peneza, ang chief ng NBI Sarangani District Office, iniimbestigahan nila kung kay Apolinario naka-pangalan ang chopper.

"To check on the ownership if it is indeed registered under his name, so it is one among the assets supposedly seized by the AMLC (Anti-Money Laundering Council)," pahayag ni Peneza Martes.

Iniimbestigahan na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang paggamit ni Apolinario sa chopper habang nagra-rally ang mga miyembro ng Kapa Ministry sa sports complex sa lungsod gayong dapat may clearance muna ito sa CAAP lalo at nasa GenSan din noong Huwebes si Pangulong Rodrigo Duterte.

"All aircraft coming in must have a clearance from CAAP. We inquired already sa CAAP as to the ownership and registration of the chopper that was used," dagdag pa ni Peneza.

Nagbabala din ang NBI na maaring arestuhin na si Apolinario kung magpapatuloy ang operasyon ng KAPA. 

"If it is a continuing crime then it may fall into warrantless arrest," pahayag ni Peneza.

Samantala, muling nanawagan si Apolinario sa kaniyang mga miyembro na makiisa sa isang "synchronized prayer rally" sa Miyerkules at Huwebes. Ito lang umano ang nakikita niyang solusyon para mapakinggan sila ng Pangulo.

"Sa lahat ng mga member sana po ako ay inyong maintindihan dahil ako po ay patuloy na nagtatago dahil sa banta ng aking buhay," pahayag ni Apolinario.

Aminado si Apolinario na apektado na ang kanilang operasyon matapos na ma-freeze ang kaniyang mga assets at bank accounts na tinatayang nasa P100 milyon ang halaga.

"Ito po ngayon ay nananatiling naka-freeze po so wala po tayong mapagkunan dahil pini-freeze po ng government ang ating lahat ng mga assets at bank accounts, so ngayon po ay wala po tayong solusyon na makuha at makita maliban na lang po sa paglunsad natin ng prayer rally," aniya.

Sa ngayon, nakatanggap na ng isang reklamo ang NBI-SARDO laban sa Kapa Ministry at inaasahan umano ng NBI na darating ang iba pang complainants laban sa Kapa Ministry sa mga susunod na araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.