Mahigit P6-M halaga ng ilegal na droga, nasabat sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 09:33 PM

DATU ODIN SINSUAT, Maguindanao- Ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Philippine National Police at militar ang buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao pasado alas-2 Martes ng hapon.

Arestado ang isa sa mga target na si alyas "Sahid" habang nakatakas naman ang isang kasama nito.

Nahuli ang suspek nang maaktuhang nakikipag-transaksyon sa isang PDEA agent na nagpanggap na buyer.

Nasabat sa operasyon ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na isang kilo at nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Ayon kay PDEA-BARMM Director Juvenal Azurin, inaalam pa nila kung kasapi ng isang drug syndicate sa lugar ang nahuling si Sahid.

Nakakulong na ito sa selda ng PDEA-BARMM at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.