Magkasintahan nahulihan ng P200,000 halaga ng droga sa Iligan

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 08:13 PM

ILIGAN CITY - Nasamsam ang P200,000 halaga ng ilegal na droga mula sa magkasintahan sa ikinasang buy-bust operation sa lungsod na ito, Lunes ng gabi.

Arestado sina Mary Grace Manginsay at Omar Mangondacan sa inuupahang kuwarto sa isang motel matapos mahulihan ng 30 gramo ng droga.

Nakatakas naman ang isa pa nilang kasama na nasa hiwalay na kuwarto. 

Natunton ang mga suspek matapos makabili ng shabu ang asset ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkasintahan.

Wala sa listahan ng mga high-value target ang mga suspek pero paniwala ng NBI, malakihan ang transaksyon ng grupo.

“Sabi nila sa amin bumili sila about 15 sacks. Ang tawag nila sacks. One sack is equivalent to 5 grams. Di sila ordinary na nagbebenta kasi mabilis sila na maubos 'yun eh,” ani NBI-Iligan chief Abdul Jamal Dimaporo.

Ayon kay Barangay Tambacan chairman Jimmy Sale, hindi residente ng lugar ang mga suspek. Sampung araw pa lang umano sila sa tinutuluyan pero balak magtagal ng hanggang isang buwan base sa tala ng motel. 

Dagdag niya, sa mga suspek bumibili ng droga ang mga pusher sa iba't ibang lugar.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. Dagdag na kaso pa ang isasampa sa kanila kapag nagpositibo sa drug test.

Patuloy na tinutugis ang kasama nilang nakatakas. --Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.