Lalaki nalunod sa water treatment plant sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 09:37 PM

ZAMBOANGA CITY - Nalunod ang isang empleyado ng Prime Water sa water intake ng planta sa ilog ng Barangay Pamucutan sa lungsod na ito, Martes ng hapon.

Tinangay ng malakas na agos ng tubig ang biktimang si Sonny Boy Hipolito, 39, habang naglilinis ng water intake, ayon sa kasama niyang security guard na si Ramon Tolentino.

Pumasok sa malaking tubo ng water intake ang katawan ni Hipolito at umabot pa ng higit 20 minuto bago ito narekober.

Wala nang buhay si Hipolito nang makuha ng mga kapwa empleyado.

Binigyan agad ng tulong pinansyal ng kumpanya ang pamilya ng biktima.

Ayon kay barangay kagawad Edilberto Edil, ito ang unang pagbaha sa kanilang ilog simula nang maapektuhan ng El Niño ang lungsod nitong Enero at halos matuyo ang ilog.

Ang ilog ng Pamucutan ang pangunahing source ng supply ng tubig ng Prime Water, isang pribadong kumpanyang kinontrata ng Zamboanga City Water District para magtayo at mag-operate ng water treatment facility.

Nasa 50,000 cubic meters kada araw ang maximum capacity ng plantang nagsu-supply ng tubig sa mga barangay na nasa kanlurang bahagi ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.