Dayuhan tiklo sa investment scam sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 05:45 AM | Updated as of Jun 18 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

AYNILA - Arestado sa Makati City ang isang dayuhan na sangkot umano sa investment scam.

Kuwento ng biktimang si alyas Dale, nakilala niya ang suspek noong 2018.

Ini-refer ito ng kaniyang kaibigang Jamaican at inalok siyang mag-invest ng pera sa kanila.

Nasa 5 milyong dolyar umano ang hawak ng suspek na mula Africa. 

Para mapakinabangan ang nasabing dolyar, kailangan daw mag-invest ni Dale ng pambili ng kemikal para maproseso at magamit ito.

"In return 'yung halagang 5 milyong dolyar, 'pag nahugasan 'yun, umaabot din ng P250 milyon," aniya. "Doon ako nagkamali, nasilaw ako doon sa halaga na nakita kong malaki."

Nagduda si Dale nang pagbilinang huwag buksan ang vault kung saan isinilid ang kaniyang P10 milyon.

Nang buksan niya ito, nadiskubre niyang napalitan na ng mga papel ang kaniyang pera.

Ayon sa Makati City police, modus operandi ito ng ilang dayuhan.

"Kailangan makuhanan ka muna ng malaking pera... ito ay ita-transform into dollar by applying certain chemicals... Napakaimposible parang magic," ani Police Maj. Gideon Ines.

Tumanggi namang magbigay ng pahayang suspek na mahaharap sa reklamong swindling.

"I have nothing to say," aniya.

Pinaghahanap na rin mga pulis ang kaniyang kasabwat sa scam. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.