Balyenang umano'y nakakain ng plastik nasagip sa Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 08:46 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Napadpad sa baybayin ng Barangay Maruyugon sa lungsod na ito ang isang melon-headed whale nitong Linggo.

Ayon sa World Wildlife Fund (WWF), may nakitang sugat sa ilang parte ng katawan nito. 

Ikinabahala rin ng WWF ang hindi pangkaraniwang kapayatan nito. Hinala nila, nakakain ito ng plastic.

"Buhay pa rin naman siya, pero ang isa lang sa nakikita namin is baka may nakain din siyang plastic. Katulad 'yan ng mga nadaanan namin noon, may nakain na siya na plastic tapos hindi niya na 'yun kayang i-digest. Eventually nawawala yung capacity niya to eat properly," paliwanag ni Mavic Matillano ng WWF.

Nakikiusap ang organisasyon sa mga taga-lungsod na subukang palanguyin patungo sa malalim na parte ng dagat ang mga balyena, dolphin o dugong sakaling ma-stranded sila sa baybayin.

Iwasan rin umanong talian, sakyan o dumugin ng tao ang mga nasabing hayop.

Paalala rin ng WWF na huwag kakainin ang karne ng hayop lalo na kung patay na ito kapag natagpuan.

"Kasi usually ang marine mammal, kung ano ang ikinamatay nila at kung may sakit sila puwedeng mahawa 'yung tao. Ang susceptible sa atin ang lungs natin," paliwanag ni Matillano.

Hangga't maaari, agad na ipaalam sa mga awtoridad o opisyal ng barangay ang mga katulad na insidente.

Nakiusap rin ang WWF na iwasan ang paggamit ng single-use plastic dahil nakakaapekto ang mga ito sa katawan ng mga marine mammal tulad ng balyena.

"Patuloy pa rin ang pakiusap namin na sana 'yung plastics talaga, lalo na 'yung mga mahilig sa dagat, huwag na kayong gumamit at all ng plastics, lalo na 'yung mga single-use na plastics kasi 'yun 'yung akala nila (marine mammals) minsan pagkain nila, jelly fish o akala nila octopus. 'Yun 'yung isa sa mga paborito nila, ang tendency kakainin nila," ani Matillano.

Pinakawalan na ang nasabing balyena pero dahil nanghihina na ito, hindi pa tiyak kung tuluyan itong makakaligtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.