Sagupaang Maute vs militar, sumiklab; 5 'patay' bineberipika

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 10:30 PM

Kinokompirma ng militar ang mga ulat na may limang miyembro ng teroristang grupong Maute ang napatay sa bakbakan sa bayan ng Tubaran, Lanao Del Sur. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Binomba ng mga eroplano ng Philippine Air Force ang Tubaran mula pa noong Linggo. Target ng militar ang nasa 40 natitirang miyembro ng Maute, partikular ang lider na si alyas Abu Dar.

"There are reports indicating that five members of the Maute-ISIS group led by Owayda Benito Marohombsar alias Abu Dar, have been killed. The military is still verifying these reports," sabi ni Major General Roseller Murillo, commander ng 1st Infantry Division.

Ayon pa kay Murillo, tinitiyak ng militar na mapapanatili ang bakbakan sa mga kabundukan ng mga bayan ng Tubaran at Pagayawan.

Isa si Dar sa may mahalagang papel sa giyera sa Marawi noong nakaraang taon.

Natunton ng mga awtoridad sa Tubaran si Abu Dar dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagkamatay ng isang kandidato sa halalan noong Mayo, ayon kay Joint Task Group Ranao deputy commander Colonel Romeo Brawner. 

"May report na mayroon silang pinatay na barangay captain. Because of these incessant reports, naglunsad na tayo ng operation," ani Brawner.

Bago naging miyembro ng Maute, naging miyembro si Abu Dar ng Dawah Islamiya at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Gaya ni Abdullah Maute, kumalas si Abu Dar sa MILF nang mawalan umano ng tiwala sa peace process.

Isa rin siyang Muslim scholar sa Qatar at Jordan.

Nakaligtas si Abu Dar sa militar dahil siya ang naatasang lumabas ng main battle area sa Marawi para mag-recruit ng mga bagong miyembro. 

Umabot naman sa 2,000 pamilya ang lumikas at pansamantalang nakikisilong sa mga paaralan.

Tiniyak naman ng pamahalaang lokal ng Lanao Del Sur na hindi na mauulit sa mga karatig-lugar ang gulong gaya ng sa Marawi.

"We learned a hard lesson from the Marawi experience... We should not underestimate the capability or the potential threat this group may pose against the safety of our civilians," ani Zia Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur Crisis Management Committee.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.