Bigas na galing Vietnam, naibaba na sa Subic

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 07:43 PM

SUBIC, Zambales - Naibaba na mula sa mga barko ang nasa 220,000 na sako ng bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA) mula Vietnam.

Dumating ang mga bigas noon pang ika-5 ng Hunyo, pero hindi agad ito naibaba mula sa mga barko dahil sa sama ng panahon.

Ang mga sako ng bigas ay bahagi ng 500,000 na sakong inangkat ng NFA mula sa mga bansang Thailand at Vietnam na nakalaan sa Region 2 at 3.

Inaasahang makukumpleto ang mga bigas bago matapos ang buwan ng Hunyo. Sa darating na Hulyo naman inaasahan ang ikalawang batch ng mga bigas na nasa kalahating milyong sako.

Ayon sa tagapagsalita ng NFA na si Dir. Rex Estoperez, kinailangang mag-import nitong Mayo dahil naubusan umano ng buffer stock sa mga bodega ng NFA sa buong bansa. 

Ang Region 3 ang unang nakatanggap ng mga inangkat na bigas dahil nasa strategic area umano ang rehiyon.

Matapos isakay sa mga trailer truck ay dadalhin na sa mga bodega ng NFA ang mga bigas.

Samantala, 10 milyong sako ng imported NFA rice ang ipamamahagi sa mga rehiyon sa buong bansa na inaasahang makukumpleto sa Agosto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.