'Barter iyan': Noodles, yosi ng mga Tsino para sa isda ng mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 11:54 PM

Kuha sa mga pumalaot na bangkang pangisda ng mga Pilipino habang nasa paligid lang ang mga barko ng Chinese coast guard sa Scarborough Shoal, Abril 5, 2017. Erik De Castro, Reuters

Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "barter" o palitan ng kalakal ang pagkuha ng mga Tsino sa huling isda ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal.

Ito'y matapos sabihin din ng Palasyo noong nakaraang linggo na hindi harassment ang pangunguha ng Chinese coast guard ng mga pinakamagagandang nahuling isda ng mga Pinoy, kapalit ng iilang sigarilyo, noodles, at tubig.

"Ang problema ang valuation... It was not an outright seizure," sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa ika-120 anibersaryo ng Department of Foreign Affairs sa Pasay.

Hindi lang aniya tugma ang pag-estima ng mga Pinoy at Tsino sa halaga ng kalakal na kanilang ipinagpapalit. 

Noon lamang Hunyo 11, iniharap sa Malacañang ang mga mangingisdang Pinoy na idinadaing ang puwersahan umanong pangunguha ng mga Tsino sa isdang libo-libong piso ang halaga kapalit ng ilang piraso ng bottled water, sigarilyo, at instant noodles.

Ayon sa mga mangingisda, Tsina pa rin ang malinaw na may kontrol sa Scarborough o Panatag Shoal.

"E ano'ng magagawa naming mangingisda doon kung magtitigas-tigasan kami doon, di para lang kaming ano doon, yung lata na pinitpit," ani Rommel Cejuela, isa sa mga nagrereklamong Pinoy na mangingisda.

Nangako noon ang Malacañang na hindi nila palalampasin ang isyu, kahit pa anila'y hindi maituturing na harassment ang nangyari.

"I would not say it's harassment because you know what harassment is during the time of President Aquino. Water cannons were used against them, they were rammed... and talagang kinukuwento naman doon, ay lahat po nakapangingisda na [ngayon]," ani presidential spokesperson Harry Roque sa press briefing noong nakaraang Lunes.

Katunayan, kumikilos na raw sila para hilingin sa Tsina na disiplinahin ang kanilang coast guard. 

"Kung may bugok na coast guard sa Pilipinas, may bugok ding coast guard sa Tsina. So ang kinakailangan, disiplinahin siguro ng Tsina 'yong mga bugok, na nangunguha ng isda," ani Roque.

Sinabi rin ng Department of National Defense (DND) na handa itong umaksiyon kung talagang may mga mangingisdang Pilipino pa ring patuloy na hina-harass ng mga Tsino sa karagatang pag-aari naman ng Pilipinas.

"Gusto ko diyan mag-protest tayo kung talagang nangyari 'yon, 'yon din ang gusto ni [Foreign Affairs] Secretary [Alan Peter] Cayetano. But we have to validate," ani DND Secretary Delfin Lorenzana sa isang panayam noong Hunyo 11.

Iginiit naman uli ni Duterte nitong Lunes na hindi siya handang isugal ang buhay ng mga Pilipino pagdating sa usapin ng mga pinag-aagawang teritoryo.

"I am not prepared to sacrifice, not only the soldier or policemen, the lives of the Filipino," ani Duterte.

"China is no pushover, you cannot scare him, and even the United States has shown a little bit of apprehension."

-- May bahaging isinalin mula sa ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.