2 suspek sa pagpatay sa US Marine, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 11:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang American Marine officer noong 2012 sa Makati. 

Sa magkahiwalay na operasyon sa Mandaluyong at Marikina nahuli kamakailan ng NBI ang mga suspek na sina Galicano Datu at Crispin Dela Paz, sinabi nitong Lunes ng NBI.

Isinasangkot ang dalawa sa pagpaslang kay US Marine Major George Anikow, na nangyari sa gate ng isang exclusive subdivision sa Makati.

Kuwento ni Datu, hindi sila ang nagsimula ng away sa Amerikano. 

Nadamay lang daw sila sa sagutan ng security guard ng subdivision at biktima.

"We were just passing through. Ang problema kasi, kami nakadaan, siya hindi, so nainis siguro so hinampas niya 'yong car ng friend namin," ani Datu.

Taong 2012 nang naaresto sina Datu, Dela Paz, at dalawa pang sangkot. 

Sa desisyon ng unang huwes na humawak sa kaso, napawalang sala ang dalawa pang sangkot na kinasuhan ng murder, habang nasentensiyahan sa kasong homicide sina Datu at Dela Paz.

Subalit napaikli ang sentensiya at nakalaya agad sina Datu at Dela Paz.

Umapela ang panig ng biktima at muling naglabas ng warrant of arrest laban kina Datu at Dela Paz.

Nagpasalamat naman ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng United States sa pagkakaaresto sa dalawa kahit ilang taon na ang lumipas nang mangyari ang krimen.

"The FBI and the US Embassy are also very thankful that a measure of justice has been served," ani Lamont Siller, FBI legal attache.

Sa ngayon, may apela sa korte sina Datu at Dela Paz kung bakit sila kinasuhan ng homicide.

-- Ulat nina Niko Baua at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.