2 lalaking nagbebenta ng 'mission order', arestado

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 08:51 PM | Updated as of Jun 18 2018 09:30 PM

DIPOLOG CITY - Dalawang lalaking nagpapanggap na miyembro ng Philippine Army ang arestado sa isang operasyon sa Barangay Central Sabado.

Kinilala ang mga suspek na sina Rujean Cajocon at Miko Cavan. Inaresto sila matapos tanggapin ang P3,000 na bayad sa pagre-recruit sa mga bagong miyembro sa intelligence group na kinabibilangan umano ng dalawa.

Nagpapakilala ang dalawa na miyembro ng Philippine Army at naghahanap ng mga bagong miyembro sa kanilang grupo. 

Tumatanggap ng bayad ang dalawa kapalit ng pagbibigay ng mission order na 'di umano'y maaaring gamitin bilang lisensiya sa mga baril.

Ayon kay Police Chief Inspector Marlon Elumbaring ng Dipolog Police, trabaho ng dalawa ang pagbibigay ng mga nasabing mission order.

Nakuha mula sa dalawa ang mga pekeng ID ng Philippine Movement Intelligence Group at ilang mga dokumentong ginagamit sa panghihikayat sa mga bagong miyembro.

Nakuhanan rin ng baril si Cajocon.

Kakasuhan ng usurpation of authority ang dalawa habang may karagdagang kaso ng illegal possession of firearms si Cajocon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.