Lola pinagbabaril ng nakamotor na salarin, patay

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 08:57 AM

MAYNILA - Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang 62 anyos na lola matapos pagbabarilin sa kanilang bahay sa Pascual street, Brgy. San Roque, Navotas City.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Navotas police, pasado 9:00 p.m. nang barilin ng nakamotorsiklong salarin ang biktimang si Loida Bontan, na nakaupo sa garahe nang mga oras na iyon.

Kuwento ng mga kaanak, nakatakbo pa sa loob ng bahay ang biktima matapos mabaril.

Sinubukan habulin ng asawa ng biktima ang hindi pa nakikilalang salarin pero nakatakas agad ito.

Wala rin umano silang nakitang plaka na nakakabit sa motorsiklo na ginamit ng gunman.

Naitakbo pa sa Navotas Hospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa isinagawang follow up operations ng pulisya, wala sila narekober na basyo ng bala sa crime scene kung kaya't posibleng isang kalibre .38 umano ang ginamit ng gunman.

Blanko pa ang mga awtoridad sa motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.