Labi ng yumaong Batangas mayor, inihatid na sa huling hantungan

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 03:50 PM

Inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Balete Mayor Joven Hidalgo na napaslang noong June 10 ng hindi pa kilalang mga salarin.

BATANGAS - Imbes na ipagdiwang ang Father's Day, sama-samang namaalam sa kanilang ama ang pamilya at mga kaanak ng yumaong mayor ng Balete, Batangas.

Binigyan ng misa ang mga labi ni Balete Mayor Joven Hidalgo sa covered court ng bayan--ang mismong lugar kung saan din siya pinaslang.

Binaril si Hidalgo noong June 10 ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang nanonood ng basketball game sa covered court.
[LINK BINARIL: https://news.abs-cbn.com/news/06/10/17/mayor-gunned-down-in-batangas]

Suot ng mga kaanak at supporter ng yumaong mayor ang mga t-shirt na may nakasulat na "I Love Mayor Joven Hidalgo."

Nagpasalamat ang mga kaanak ni Hidalgo sa mga nagpakita ng suporta sa kanilang pamilya.

Binigyang-pugay naman ng Balete-Philippine National Police sa pamamagitan ng isang gun salute ang mayor na dati ring miyembro ng pulsuya .

Nakatakas noon ang mga salarin na pinaniniwalaang sakay ng isang puting van. Kaagad namang bumuo ng isang special investigation task group ang Batangas-PNP para imbestigahan ang nangyari.

Ito na sana ang huling termino ni Hidalgo bilang mayor ng Balete, Batangas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.