PatrolPH

Vaccinated seniors nabubuhayan ng loob na makakalabas na

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 07:47 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - May ilan nang senior citizens na nagsimulang lumabas, gaya ng mag-nobya't nobyo na si Eladia Buenconsejo at Lorenzo Mendoza na nag-date sa isang mall sa Taguig. 

Dala-dala nila ang kanilang vaccination card habang namamasyal. 

"Masaya, masaya; parang bumabalik sa dati ang pakiramdam namin na malaya," ani Buenconsejo. 

Matatandaang pinayagan na ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 na lumabas ang mga senior citizen basta’t fully vaccinated na sila kontra COVID-19. 

Pero muling ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority na may mga restrictions pa rin. 

"Hindi po puwedeng pabayaan lang natin sila na gumala nang hindi po suot ang mask - face mask - o kung anuman po 'yung pagsunod sa social distancing. Kailangan din po maging maliwanag sa ating mga senior citizen na may COVID pa din," ani MMDA spokesperson Celine Pialago. 

Nakikipag-ugnayan ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan para masigurong sumusunod pa rin sa health protocols ang mga bakunado nang senior citizen. 

Nilinaw din ng gobyerno na ang mga fully vaccinated na senior citizen sa mga lugar na nasa ilalim ng general at modified general community quarantine lang ang pinapayagang lumabas. 

"Ipinagbabawal pa din po sa mga fully vaccinated senior citizens ang inter-zonal travel maliban sa nauna nang point-to-point interzonal travel," ani Presidential Spokesman Harry Roque. 

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.