PatrolPH

SAPUL SA CCTV: Coffee shop sa Davao City, nilooban ng 4 na menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 11:31 PM

DAVAO CITY - Sapul sa CCTV ang pagpasok ng apat na menor de edad na naka-face mask sa isang coffee shop sa Jacinto Extension, Davao City Martes ng madaling araw.

Makikita sa CCTV ang pag-flashlight ng mga suspek sa paghahanap ng mananakaw. Binuksan ang mga drawer at cash register, hanggang sa nalimas nila ang tatlong cellphone at kita ng coffee shop.

Ayon sa may-ari na si Zeny Martin, sinira ng mga suspek ang padlock sa pinto kaya nakapasok, at hindi napansin ng gwardya na nakaidlip sa panahong iyon.

Kinaumagahan, nakilala ng mga pulis ang apat na menor de edad at narekober ang dalawa sa tatlong cellphone.

Ayon kay Martin, sinabihan sila ng pulisya na notoryus na miyembro ng akyat-bahay ang mga nanloob sa kanyang coffee shop.

Nakatakdang ikustodiya sa Department of Social Welfare and Development ang mga menor de edad.

Umaasa ang may-ari na paigtingin ng pulisya ang pagpatrolya lalo na sa gabi para maiwasan ang panloloob.

Nangyari ang krimen sa kabila ng curfew na ipinatutupad sa lungsod.

- ulat ni Hernel Tocmo

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.