PatrolPH

Dagdag pasahero sa pampublikong sasakyan? I-ACT tumutol

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 12:16 PM

Dagdag pasahero sa pampublikong sasakyan? I-ACT tumutol 1
Mga commuter sa bus sa EDSA, Quezon City noong Marso 11, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Tutol ang Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa panukala ng Department of Transportation na taasan ang kapasidad ng mga pasahero sa mga pampublikong saskayan.

Ayon kay Reynante Sagragao, team leader ng i-ACT Special Unit Bravo, hindi pa panahon para dagdagan ang mga pasaherong maaaring sumakay sa mga public utility vehicle (PUV) tulad ng mga bus.

"Ang mga commuter sasang-ayon ‘yan pero on our part medyo malakas pa ang COVID ngayon, malakas pa ang hawaan," sabi ngayong Huwebes ni Sagragao sa panayam ng ABS-CBN News.

"Baka mamaya, magpuno ka diyan, mag-uwi pa ng COVID sa pamilya ang mga ‘yan," dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Secretary na inihirit niya sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang dagdag na 5 hanggang 10 porsiyentong kapasidad sa mga PUV.

Nais ni Tugade na taasan ang mga kapasidad dahil napansin umano niyang dumarami ang mga sumasakay ng PUV kamakailan, bunsod na rin ng muling pagbubukas ng mas maraming mga negosyo at lugar ng trabaho.

Isa ang i-ACT sa mga ahensyang nakabantay sa overloading ng mga public utility vehicles o PUV nitong panahon ng pandemya.

Pumunta ngayong Huwebes ang grupo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para silipin ang sitwasyon ng mga bus doon pero wala silang nahuling overloading.

Kaya sunod nilang pinuwestuhan ang EDSA Bus Carousel sa Monumento, Caloocan para manduhan ang traffic at pila ng mga pasahero ng libreng sakay.

Blockbuster pa rin kasi ang pila ng mga tao kahit patapos na ang work week.

Watch more on iWantTFC
Video ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Ayon kay Sagragao, pinabibilis ng mga enforcer ang pagdating ng mga bus para tuloy-tuloy ang pagsakay ng tao at hindi maipon ang pila.

Tiniyak din ang pagsunod sa health and safety protocols gaya ng pagpapaalala na magsuot ng face shield kapag sasakay na sa bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.