PatrolPH

Davao region nakapagtala ng record-high na 725 bagong kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 01:54 PM

Nakapagtala nitong Miyerkoles ang Davao region ng 725 dagdag na kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso sa isang araw, sabi ng Department of Health (DOH).

Sa kabuuan, umabot na sa 35,094 ang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon, kung saan 7,415 ang active cases o may sakit pa rin habang 1,249 ang namatay.

Davao City ang nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso nitong Miyerkoles, na nasa 397. Sinundan ang lungsod ng Davao Oriental na may 125 bagong kaso.

Nasa 120 naman ang naitalang bagong kaso sa Davao del Norte, 41 sa Davao de Oro, 30 sa Davao Occidental, at 12 sa Davao del Sur.

Sa Davao City, may 4,022 active cases mula sa 20,664 total cases.

Ayon kay Dr. Ashley Lopez, acting head ng city health office, higit kalahati ng mga hawahan sa lungsod ay nangyari sa mga workplace o lugar ng trabaho.

Ayon pa kay Lopez, isinara nang 7 araw ang Santa Ana swabbing center matapos magpositibo sa COVID-19 ang 8 staff. Sasailalim aniya ang pasilidad sa disinfection.

Inabisuhan naman ang mga gustong magpa-swab test sa Santa Ana na lumipat muna sa Magsaysay Park swabbing center.

Nagdagdag din umano ang lokal na pamahalaan ng medical technologists at microscopists, na dadaan sa COVID-19 swabbing training.

Nananatili sa modified enhanced community quarantine, ang pangalawang pinakamahigpit sa 4 na quarantine level, ang Davao City hanggang katapusan ng buwan. Nasa general community quarantine naman ang mga karatig-lalawigan at lungsod.

— Ulat nina Hernel Tocmo at Chrislen Bulosan

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.