PatrolPH

Lalaki binaril, nasawi sa kaniyang 25th birthday

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 07:55 PM

SAN MATEO, Isabela — Nasawi ang 25 anyos na binata sa bayan na ito matapos siyang barilin ng hindi pa matukoy na mga salarin noong Martes ng gabi. 

Kinilala ang biktima na si Jay-r Caballes na residente ng Barangay Daramuangan Norte.

Sa imbestigasyon ng San Mateo Police, nagdiwang ng kaarawan ang biktima sa bahay ng kaniyang lola kung saan nagkaroon ng inuman. 

Matapos nito ay nagpasya na ang biktima na umuwi kasama ang kaniyang kasintahan. 

Dumaan sila sa isang eskinita malapit sa irrigation canal katabi ng sementeryo at nagpasyang tumambay muna doon. 

Ilang saglit lang ay may dumating na 2 lalaki na bigla na lang binaril ang biktima.

Tumama ang bala sa kaliwang mata ni Caballes. 

Naisugod pa sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor. 

Sa ngayon ay may 2 person of interest nang iniimbestigahan ang pulisya kaugnay sa pagpatay sa biktima. 

—Ulat ni Harris Julio 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.