'Walang mahirap sa taong may pangarap': 2 trabaho at pag-aaral pinagsabay ng bagong Eng'g grad

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 08:09 PM

Natapos ni Israel Mabiling, 22, ng Lipa City, Batangas, ang kursong Industrial Engineering nitong taong ito sa kabila ng pagsasabay niya sa kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho pareho sa paaralan at sa isang food chain.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa kaniya ngayong Miyerkoles, sinabi ni Mabiling na nagsisilbi siyang working scholar sa De La Salle Lipa at nagtatrabaho rin sa isang fastfood chain sa isang mall.

"Naglilinis po ako ng ilang classrooms sa school. Then, right after po, diretso work naman po as service crew," sabi ni Mabiling.

Libre ang school fees niya dahil sa kaniyang pagiging maintenance staff sa buong apat na taong pag-aaral doon ng kolehiyo. Mahigit apat na taon na rin siyang namamasukan bilang service crew sa fastfood chain.

Kwento ni Mabiling, hiwalay ang kanyang mga magulang, at silang anim na magkakapatid ay nasa poder ng kanyang mananahing ina na hirap din sa pagsuporta sa kanilang pangangailangan.

Pangatlo si Mabiling sa magkakapatid. Pulis na ang panganay at tumigil naman sa pag-aaral ang pangalawa. Kasalukuyan namang nag-aaral ang mga sumunod sa kanya (papasok na ng kolehiyo ang pang-apat, at Grades 11 at 7 naman ang mga mas nakababata).

"I chose to have 2 jobs simultaneously since alam ko naman po sa sarili ko na kaya ko at kakayanin ko," sabi ni Mabiling. 

Magkahalong mahirap at masaya para sa kaniya ang pakikipagsapalaran sa kolehiyo. Ngunit, hindi siya napapagod dahil, aniya, mahal niya ang kanyang ginagawa at masaya siya rito.

"Although, part po talaga ang hardships and struggles. Pero, napakarami ko pong inspirasyon sa araw-araw. 'Yun po ay ang aking magulang at mga customers ng Jollibee SM Lipa (kung saan siya ay service crew)," ani Mabiling.

"Time balancing" ang naging susi sa kanyang pagtatapos.

"What I've learned is about prioritizing things which are more important than anything else. I never stopped believing na lahat po ng problema ay nalalampasan. I just keep on praying po and continue to be inspired everyday," sabi niya. 

Nais ni Mabiling na makapagtrabaho sa isang kumpanya na may kaugnayan sa kanyang field bilang industrial engineer. Pero, hangga't wala pa ang oportunidad na ito, magpapatuloy muna siya sa pagiging isang service crew.

"Para po sa mga katulad kong nagtatrabaho kasabay ng pag-aaral, 'wag susuko sa mga challenges and struggles sa araw-araw. Sa halip, ito ay gawing inspirasyon at lakas para maging matagumpay sa buhay," payo niya.

"I learned from the best na, 'You will only fail, once you give up'. Walang mahirap sa taong may pangarap," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.