TINGNAN: Mga guro sa Davao de Oro, nagtayo ng tent sa gilid ng kalsada para makadalo sa webinar

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 03:55 PM | Updated as of Jun 19 2020 06:55 PM

Kuha ni Jeson Arias Mangca Celebre

Kinailangang maglagay ng mga tent sa gilid ng kalsada ang mga guro sa Barangay New Leyte, Maco, Davao de Oro para makakuha ng signal at makasali sa tatlong araw na webinar ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkoles ng umaga.

Ito'y sa gitna ng paghahanda para sa blended learning sa pagbubukas muli ng klase sa August 24, kung saan bawal pa ang physical classes dahil sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease 2019. 

Ayon kay Jeson Arias Celebre, nag-post ng mga larawan, kailangan pa nilang umakyat sa lugar na ito dahil sa hirap na makakuha ng signal sa kanilang mga bahay.

Nasa 15 minuto ang kailangan nilang lakarin mula sa eskuwelahan papunta sa lugar kung saan may signal.

Aniya, mahirap man pero parte lang din umano ito ng kanilang trabaho bilang guro lalo na ngayong may “new normal” na set-up na sa pagtuturo.

Watch more in iWantTFC

 

Sa paglalathala, hinihingi pa ang panig ng DepEd hinggil sa nangyari. 

Sinabi naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na tila "naiwan" na naman ang mga guro na maghanap at gumawa ng paraan para magampanan ang kanilang mga tungkulin.

"Nakakalungkot na kailangan gawin ito ng mga guro kahit pa man humaharap tayo sa tumitinding pandemya dala ng COVID-19," sabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio.

Muling nanawagan ang grupo sa DepEd na bigyan ng mga laptop at internet load allowance ang mga guro.

Sa survey na isinagawa ng DepEd, lumabas na 13 porsiyento sa halos 700,000 guro na na-survey ang walang laptop o computer sa kanilang mga bahay.

Nauna nang sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na hangad ng DepEd mabigyan ng laptop ang bawat guro.

Patuloy umanong sinisikap ng ahensiyang makakuha ng mga laptop at iba pang gadget para sa mga guro at estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.