PatrolPH

Paglalagay ng cell site sa public schools iminungkahi

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 01:17 PM

Iminungkahi ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpapatayo ng cell site sa bawat pampublikong paaralan upang magkaroon ng access sa internet ang mga guro at mag-aaral.

Kailangan magkaroon ng internet ang bawat paaralan at komunidad para maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng coronavirus pandemic, ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate committee on basic education, arts and culture.

Batay sa datos ng Project Bandwidth and Signal Statistics (BASS), 44 porsiyento ng mga pampublikong paaralan ay may layong 6 na kilometro o higit pa mula sa cell site kaya mahina o walang internet na umaabot sa mga eskuwelahan, ani Gatchalian.

Kung matatayuan umano ng cell site o WiFi-based station ang mga paaralan, matutugunan na ang problema sa mahinang internet signal.

Sa darating na pasukan, na nakatakdang mag-umpisa sa Agosto 24, inaasahang matututo ang mga bata sa pamamagitan ng online platforms, printed o digital modules, telebisyon at radyo.

Ito ay matapos ipagbawal ang mga klase sa mga campus para maiwasang malantad ang mga estudyante at guro sa banta ng COVID-19.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga telecommunication company sa mga education agency ng gobyerno at paaralan para mapabuti ang koneksiyon sa internet para sa pasukan.

-- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.