Mga opisyal ng isang barangay sa Iloilo City, naka-quarantine

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 07:45 PM

Nakakordon na ang barangay hall ng Q. Abeto-Mirasol matapos na magpositibo ang isang pulis na namalagi doon. Naka-quarantine na rin ang mga opisyal ng barangay na nagkaroon ng close contact sa pulis.

ILOILO CITY - Naka-quarantine ngayon ang mga opisyal ng isang barangay matapos na magpositibo ang isang pulis na nakadestino sa kanilang lugar.

Nakakordon na ang Barangay Hall ng Q. Abeto-Mirasol simula Martes at maging ang patrol ng barangay ay pansamantalang hindi magamit.

Kinumpirma ni Punong Barangay Ramon Amoroso na Marso nitong taon nang madestino sa kanilang lugar ang pulis at inalok nila na sa Barangay Hall ito mamalagi. 

Pero kamakailan lang ay lumabas na isa ito sa dalawang pulis ng Mandurriao na nagpositibo sa COVID-19 test. Kaya nagdesisyon ang barangay na magpa-quarantine ang mga may close contact sa pulis.

Sumailalim na sa rapid test ang mga ito at hinihintay na lang ang resulta. 

Sa ngayon ay hinahatiran na lamang ng kanilang mga pangangailangan sa barangay hall ang mga naka-quarantine na opisyal ng barangay.

Mananatili sila sa barangay hall hanggang hindi ba lumabalas ang resulta ng kanilang rapid test.