PatrolPH

Lady guard malubha ang lagay matapos mabundol ng van

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 07:42 PM

Watch more on iWantTFC

Maluwag ang trapiko sa kahabaan ng National Road sa Muntinlupa City bandang alas-6 ng umaga noong Sabado, Hunyo 13.

Ilang sandali pa, isang babaeng nakabisikleta ang kumaliwa patawid ng kalsada at nabangga ng humaharurot na van. Tumalsik ang babae pati ang kaniyang bisikleta.

Kinilala ang biktima bilang si Catheryn Galera, isang lady guard na papasok sana ng trabaho sa Ospital ng Muntinlupa.

"May damage po siya sa paa saka sa ulo at braso. Kailangan pong operahan 'yong paa niya po kasi may fracture daw po," sabi Jonard Galera, mister ng biktima.

Sa mga larawang ipinadala ni Jonard sa Bayan Mo iPatrol Mo (BMPM), makikitang duguan at kinakabitan ng oxygen si Catheryn sa intensive care unit ng ospital.

Ayon kay Jonard, isa ang kaniyang misis sa mga pinahiram ng bisikleta ng isang grupo na tumutulong sa mga frontliner na makapasok sa trabaho habang may lockdown.

May nakahanda na raw na kasunduan sa pagitan ni Jonard, at ng driver at operator ng nakasagasang van, pero nakatakda pa itong pag-usapan ng 2 kampo.

"Noong gumawa kasi sila ng areglo, hanggang hospitalization lang po," ani Jonard.

Bukas naman ang tanggapan ng pulisya sakaling magsampa ng kaso si Jonard laban sa nakabangga sa asawa nito.

Nanawagan si Jonard na magkaroon ng sapat na imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniyang asawa.

"Nakikiusap po ako baka may magandang kalooban diyan po sa inyo na tumulong po sa asawa ko po," ani Jonard.

Nakausap na ng BMPM ang van operator pero tumanggi itong magbigay ng pahayag.

Sa ngayon, nagbigay ng P15,000 inisyal na tulong ang van operator kay Jonard at nakatakda silang muling magharap. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.