Imbakan ng aspalto nasunog sa Cavite; P5 milyong halaga ng pinsala naitala

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 10:17 AM | Updated as of Jun 17 2020 06:57 PM

Watch more in iWantTFC

Nasunog noong gabi ng Martes ang imbakan ng aspalto sa Carmona, Cavite - bagay na nagdulot ng mabagal na trapiko sa lugar. 

Bandang alas-8 gabi ng Martes nang sumiklab ang apoy sa warehouse sa Barangay Cabilang Baybay. 

Rumesponde ang mga bombero sa lalawigan ng Cavite para apulahin ang sunog na umabot sa ika-3 alarma. 

Nagdulot din ito ng mabagal na usad ng trapiko dahil umiinit na rin ang kalsada. 

Umapaw na kasi ang natunaw na aspalto kaya kinailangang maghanap muna ng ibang madadaanan ang mga motorista, ayon kay Senior Fire Insp. Allen De Guzman ng Carmona Bureau of Fire Protection.

Dahil dito, pahirapan ang pag-apula ng apoy. 

Nasa P5 milyon ang naitalang pinsala sa sunog, ayon sa BFP. 

Agad namang nakalabas ang security guard ng imbakan kaya walang nasaktan sa insidente. 

"Sabi ng security guard, 'yung electrical nila, 'yong ilaw sabi patay-sindi raw na hindi niya pinansin. Maya-maya, kinatok na siya ng [isa pang] security guard dito sa company [ang sabi] bakit daw may apoy," ani De Guzman. 

Iimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. 

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.