Ilocos Norte nakapagtala ng ikatlong kaso ng COVID-19

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 04:17 PM

Muling nakapagtala ang Ilocos Norte ng positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa anunsiyo ni Gov. Matthew Manotoc sa kaniyang Facebook page.

Ayon kay Manotoc, ang pangatlong kaso ng COVID-19 ay isang 41-anyos na babae na mula Barangay San Nicolas sa bayan ng Vintar.

Isa itong overseas Filipino worker mula United Arab Emirates at na-admit sa quarantine facility noong Mayo 30 para sa mandatory quarantine.

Martes nang lumabas ang resulta ng swab test nito noong Hunyo 15 na nagpapakitang positibo siya sa COVID-19.

Naka-lockdown na ang quarantine facility sa naturang bayan. Mino-monitor na rin ang ibang kasama ng OFW sa quarantine facility at maging ang lahat ng nakasalamuha nito simula nang dumating sa lalawigan.

Buwan ng Marso nang makapagtala ang lalawigan ng unang dalawang kaso nito ng COVID-19.

Hiniling muli ni Manotoc sa publiko ang kooperasyon sa pagsunod sa health protocol tulad ng pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay at pag-obserba ng social distancing.

Patuloy din na paiigtingin ang pagbabantay sa mga papasok o lalabas na mga residente sa lalawigan.