Food packs hatid sa higit 3,000 jeepney drivers sa Pasig

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 01:19 PM

Dahil sa community quarantine na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease, apektado ang kabuhayan ng libo-libong jeepney driver sa Metro Manila.

Sa Pasig, tigil-operasyon pa rin ang nasa 3,029 jeepney driver kahit nakailalim na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang capital region.

"Mahirap talaga, kasi walang biyahe," anang 65 anyos na jeepney driver na si Zacharias Barrientos, na nagpapaaral sa 3 niyang apo.

Ngayon Miyerkoles, namahagi ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng higit 3,000 food pack para sa jeepney drivers sa lungsod.

Ayon kay Volta delos Santos, officer in charge ng Pasig Traffic Parking Management Office, inaasahan nilang makatatanggap pa sila ng donasyon na maipamimigay sa mga UV express driver na apektado rin ang kabuhayan dahil sa pandemic.

"Sakaling makakakuha pa ng donations tutuloy natin ito," ani Delos Santos.

Nitong mga nagdaang buwan, namigay ang Pasig city government ng P4,000 cash assistance sa lahat ng public utility drivers. Ang iba'y nakatanggap din ng P8,000 cash aid sa ilalim ng supplemental social amelioration program.

Patuloy na naghahanap ang city government ng alternatibong kabuhayan para sa drivers, ani Delos Reyes.

"Mayroon kaming kinakausap na private companies para maging partner para po sila maging bahagi ng kanilang mga deliveries, parcels," aniya.

Sa ilalim ng GCQ, tanging tricycle drivers lang sa Pasig City ang pinapayagang pumasada. Ang iba sa mga tricycle driver ay pumasok sa food delivery service.

Umabot na sa higit P65 milyon halaga ng food pack at cash assistance ang nabigay sa halos 30,000 tricycle, jeepney at UV express drivers sa Pasig, ani Delos Santos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.