Duque, iba pa pinaiimbestigahan ng Ombudsman sa 'iregularidad' sa COVID-19 response

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 04:58 PM | Updated as of Jun 17 2020 06:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Umarangkada na ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kina Health Sec. Francisco Duque III at iba pang opisyal ng DOH tungkol sa mga anomalya umano sa COVID-19 response ng bansa. 

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, una na nilang pinaimbestigahan ang pagbili ng 100,000 test kits, at ang napabalitang paggamit ng test kits na binuo ng researchers mula University of the Philippines noong Marso 15, ilang araw bago pa ipinatupad ang lockdown. 

Hindi nagustuhan ng tanggapan na pinaikot-ikot ng mga opisyal at empleyado ng DOH ang mga nag-imbestiga sa kung ano-anong departamento ng ahensiya. 

Kaya naman pinasasampahan ng Ombudsman ng kasong kriminal at administratibo ang hindi pa pinapangalanang mga opisyal at empleyado ng DOH na hindi nakikipagtulungan o inililhis ang imbestigasyon. 

Dala nito, bumuo si Martires ng 2 pang team para sa joint investigation sa iba pang anomalya umano sa pagtugon ng DOH sa COVID-19

Tututukan nito ang pagkaantala umano sa pag-procure sa mga personal protective equipment, ang umano’y nakalilitong ulat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases. 

"I directed the creation of two more investigating teams who will jointly investigate alleged irregularities and anomalies committed by DOH officials and employees, including Health Sec. Francisco Duque, in relation to the response of the DOH during this pandemic," ani Martires sa isang pahayag. 

Maaalalang pinaiimbestigahan din mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nabanggit na umano'y anomalya. Pero kasabay nito, ipinagtanggol niya si Duque sa akusasyong pumalpak ito sa kaniyang pamumuno bilang DOH chief.

"Sabi ko sa kanya: ‘Do everything you can'. I take full responsibility, na ang utos ko na mag-- dalian mo. Wala akong pakialam kung saan ka magkuha, magnakaw ka and I remember saying it. I do not care whether you go and steal, borrow or kill a person to get what -- what needs to be done,” ani Duterte sa isang talumpati noong Mayo 25. 

Inatasan ni Martires ang investigating team na maghain ng criminal at, o kaya administrative case sa opisyal o empleyado na tatangging makipagtulungan sa imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na bukas sila sa pagpapaimbestiga ng Office of the Ombudsman at tiniyak ang kanilang kooperasyon habang umaandar ang imbestigasyon. 

Giit ng ahensiya, na naging “transparent” sila sa kanilang COVID-19 response, partikular na sa pagpapa-procure ng mga kagamitan at pamamahagi ng benepisyo sa mga healthcare worker. 

“The DOH has been transparent in the COVID-19 response, including procurement transactions and the provision of benefits to healthcare workers,” ani DOH sa isang pahayag.

Bukod dito, ayon sa DOH, iginiit nilang regular silang nagbibigay-kaalaman sa publiko tungkol sa mga kailangan punahin pagdating sa mga ipinepresenta nilang datos. 

“The DOH has likewise maintained a regular reporting of cases and deaths through its pressers, situation reports, and in its tracker, publicly available in the official channels," ani DOH. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na hahayaan nitong umusad ang proseso ng imbestigasyon. 

"We respect the decision of the Office of the Ombudsman (OMB) to probe Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III and other health officials over the alleged irregularities in the COVID-19 response," anila sa pahayag. 

Nanawagan din ang Palasyo kina Duque at iba pang opisyal na makipagtulungan sa Ombudsman. 

"The Ombudsman, as we all know, is an independent constitutional body; thus, we will let the process run its course as we enjoin Secretary Duque and the entire DOH bureaucracy to cooperate with the investigation and respect the orders of the [Ombudsman]," dagdag nila. 

Umaasa ang mga senador na magbubunga ang imbestigasyon at may mapapanagot dito. 

Aabot sa 14 Senador ang pumirma sa resolusyon para sa pagbibitiw ni Duque dahil sa umano’y mga pagkukulang sa pagresponde sa COVID-19.

— May ulat nina Raya Capulong, Kristine Sabillo, at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.