Dexamethasone nakapagpapabuti sa lagay ng COVID-19 patient: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 06:02 PM | Updated as of Jun 17 2020 07:30 PM

Watch more in iWantTFC

Lumabas sa isang pag-aaral sa United Kingdom na may isang klase ng gamot na nakatutulong umano sa pagpapabuti sa lagay ng isang pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19).

Isang "major breakthrough" kung ituring sa gitna ng pandemya ang pagpapababa umano ng gamot na dexamethasone sa death rate ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ang dexamethasone ay isang mura at laganap na gamot laban sa mga inflammatory diseases gaya ng arthritis.

May magandang epekto umano ang gamot sa mga COVID-19 patient na malala ang kondisyon.

"It really is showing quite a significant effect and it’s really important because the drug itself is very widely available," ani Peter Horby, professor sa Oxford University kung saan nanggaling ang grupong nagsagawa ng pag-aaral.

Base sa kanilang pag-aaral, sinabi ni Horby na para sa mga pasyenteng may COVID-19 na nangangailangan ng oxygen, napapababa ng dexamethasone ang death rate ng mga 20 porsiyento.

Sa kabila ng pag-aaral, nagbabala pa rin ang Department of Health (DOH) ng Pilipinas.

Hindi raw ito dapat tingnan bilang isang gamot kontra COVID-19 dahil wala pa ring gamot laban sa mismong virus.

"People might think that this is the magic pill para sa COVID. It is not," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

"Ginagamit lang natin ito sa mga taong nasa ospital... ginamit lang nila ito sa mga taong may severe and critical cases," dagdag niya.

Sinabi rin ni Vergeire na may limitasyon pa rin ang pag-aaral dahil hindi pa umano ito dumadaan sa peer review.

LANAO DEL SUR

Samantala, sa Lanao del Sur, sumulat si Governor Mamintal Adiong sa national task force para manawagang i-test muna ang mga residenteng pauuwiin sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Adiong, sa loob nang 11 araw mula nang buksan ang ports of entry, nakapagtala sila ng 30 kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Marami sa mga bumabalik mula National Capital Region, na itinuturing na isa sa epicenter ng virus, ay hindi umano nate-test.

Ang kanilang naihandang quarantine facility ay nasa higit 130 tao lang ang kayang i-accommodate kaya nangangamba umano silang hindi kayanin ng health system ang posibleng biglang pagtaas ng mga kaso.

Pero kabaligtaran ang nakikita ng DOH.

"Basta sa Lanao Del Sur... nakita natin capacity ng health care system and we can say kaya nila kung saka-sakaling tumaas ang kaso dito," ani Vergeire.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para mabantayan ang situwasyon sa rehiyon.

Sa tala ngayong Miyerkoles, umabot sa 27,238 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 6,820 ang gumaling at 1,108 ang namatay.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.