Danding Cojuangco pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 02:57 PM | Updated as of Jun 18 2020 12:28 AM

Watch more in iWantTFC

Pumanaw na ang kilalang negosyanteng si Eduardo "Danding" Cojuangco sa edad na 85, sabi ngayong Miyerkoles ng mga source.

Inanunsiyo ng San Miguel Corporation, kung saan nagsilbing chairman at chief executive officer si Cojuangco sa loob ng 22 taon, ang pagpanaw ng negosyante sa isang disclosure sa stock exchange.

Gabi ng Martes nang pumanaw si Cojuangco, sabi sa disclosure.

Agad bumuhos ang pakikiramay mula sa mga kaibigan at tagasuporta, mapa-negosyo, politika at sports kung saan mas kilala si Cojuangco bilang "Boss Danding."

"The Palace offers its fervent prayers for the eternal repose of the soul of Mr. Cojuangco as we convey our heartfelt condolences to his family, colleagues, friends, and loved ones," sabi ng Malacañang sa pamamagitan ng isang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kinilala ng Palasyo ang mga kontribusyon ni Cojuangco at ng San Miguel (SMC) sa bansa.

"In these trying times, Mr. Cojuangco’s SMC has been a reliable partner of the government in mitigating the impact of the COVID-19 by providing support and assistance to frontliners and vulnerable sectors," ani Roque.

Nagluksa rin ang 3 senador — sina Senate President Vicente Sotto III, Sherwin Gatchalian, at Lito Lapid — na miyembro ng Nationalist People's Coalition (NPC) na itinatag ni Cojuangco.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang iba pang senador tulad nina Nancy Binay at Joel Villanueva.

Namaalam din si dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kay Cojuangco, na malapit sa kaniyang ama.

"Goodbye, Tito Danding. You were a rock in my life," sabi ni Marcos.

Nagluksa rin ang ilang basketball player ng De La Salle University, na sinusuportahan ni Cojuangco.

"Despite his health conditions, he always made us feel his presence and support for the basketball team," sabi ng dating Green Archer na si Jeron Teng.

Sa kaniyang pamumuno, naging isa sa pinakamalaking food and beverage company sa bansa ang San Miguel. Kalaunan ay pumasok ito sa enerhiya.

Nakilala rin si Cojuangco bilang crony ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Kabuntot ni Cojuangco ang kontrobersiya ng Coco Levy, kung saan nakinabang umano siya sa buwis na matagal ipinataw sa mga magniniyog.

May hinala rin noon na dawit si Cojuangco sa pagpatay kay Benigno "Ninoy" Aquino Jr., ang mister ng kaniyang pinsang si Corazon Aquino.

Pero mismong ang pamangkin ni Cojuangco na si Kris Aquino ang nagsabi noong 2018 na walang kinalaman ang tiyuhin.

Lumipad paalis ng bansa si Cojuangco nang mapatalsik si Marcos Sr. pero nakabalik din matapos ang 3 taon.

Noong 1992, tumakbo si Cojuangco sa pagkapangulo sa ilalim ng bagong tatag niyang NPC.

Natalo siya ni Fidel Ramos pero hindi nagtagal ay naging isa siya sa mga pinakamaimpluwensiyang personalidad sa politika. -- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.