PatrolPH

COVID-19 testing lab sa Veterans Memorial Medical Center pinasinayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 01:45 PM

MAYNILA - Pinasinayaan na ngayong Miyerkoles ang isang COVID-19 modular testing laboratory sa loob ng Veterans Memorial Medical Center compound sa Quezon City. 

Modular o gawa sa isang container van ang laboratoryo, na 21 araw ipinatayo. 

Dumaan sa training at proficiency exams ang mga health worker ng VMMC na gagamit nito. 

Aabot sa 300 COVID-19 PCR tests ang maaaring gawin dito sa loob ng isang araw, at kayang maglabas ng resulta sa loob ng isa hanggang tatlong araw. 

Ang COVID-19 PCR tests ang maituturing na gold standard pagdating sa pagsusuri kung may COVID-19 ang isang pasyente 

"Malaking gamit po ito kasi additional 300-400. Alam po natin na nagkakaroon na tayo ng expanded testing. Malaking makikinabang po dito ay mga seniors, uniformed soldiers, at mga taga-Quezon City,” ayon kay COVID-19 task force chief implementer Carlito Galvez Jr. 

Sa susunod na linggo posible nang magamit ang lab kapag binigyan na ng license to operate ng Department of Health. 

Noong Pebrero, Research Institute for Tropical Medicine lang ang testing center ng bansa pero ngayon, nasa 60 na. 

Target ng gobyerno na makapagtayo ng 100 laboratoryo sa buong bansa. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.