Cash gift ng centenarian sa Alaminos halos 1 taon na umanong natengga

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 11:57 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Idinulog ng isang 77 anyos na lalaki ang cash gift incentive dapat ng kaniyang inang centenarian sa Alaminos, Pangasinan na halos isang taon na umanong naantala. 

Sa programang "Lingkod Kapamilya" ng Teleradyo, ikinuwento ni Rogelio Corpuz na binigay nila ang kaukulang mga dokumento para iproseso ang centenarian cash incentive ng inang si Aurelia noong Agosto 22. 

Obligado ang pamimigay ng P100,000 cash incentive sa mga centenarian, alinsunod sa Republic Act 10868, at kinukuha ito sa pamamagitan ng social welfare office ng lokal na pamahalaan. 

Ayon kay Corpuz, pumunta umano sila sa opisina ng Department of Social Welfare and Development sa lugar pero sinabihan na bumalik sila sa Oktubre 2019. 

Ilang beses bumalik ang kaniyang pamilya pero hindi pa rin napoproseso ang cash incentive dahil sa kakulangan umano ng budget.

"Noong mag-birthday siya ang nasabi sa'min ng DSWD maghintay kayo ng October. Tapos after October 2019 nung walang matanggap pumunta sila, nag-follow up. Ang sabi sa kanila, wala pang budget, maghintay kayo hanggang end of the year. After ng December, nag-follow up ulit sila ano 'yong sinabi ulit eh after end of March baka may kasama na sa budget na sa first quarter of the year," ani Rogelio. 

Giit pa ni Rogelio, kailangan na nila ang pera lalo’t humihina na umano ang kalusugan ng kanilang ina, na hindi na umano kayang tumayo mag-isa at kumakain na lamang sa pamamagitan ng tubo. 

“Hindi na makatayo mag-isa, nakahiga, nakaupo na lang at saka kumakain ngayon sa pamamagitan ng tubo. Almost one year na naka-ganoon eh. Madalas magkaroon ng ubo kaya siguro last month lang dinextrosan ng kapatid ko kaya kailangang-kailangan na talaga 'yung pera,” ani Rogelio. 

Sa ngayon, ang 4 na babaeng kapatid ni Rogelio ang nagtutulong-tulong sa pag-aalaga ng kanilang ina habang nasa Cavite naman si Rogelio, na hindi makaluwas gawa ng lockdown. 

Sa parehong panayam, sinabi ni Alaminos Mayor Art Bryan Celeste na hinihintay pa nilang maibaba sa kanila ng national government ang budget para sa pamamahagi ng centenarian cash incentives ngayong taon, at tinatayang sa ika-2 bahagi ng taon pa ito pamamahagi. 

Habang naghinihintay sa insentibo, planong bigyan ng LGU ng tulong-pinansiyal ang pamilya ngayong kailangan na nila ang salapi. 

“Pinapapunta sa tanggapan at bibigyan ng financial assistance habang hinihintay ang cash incentive ng national government. May kaunting maitutulong ang LGU sa Alaminos,” ani Celeste. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.