BFP official sinibak dahil sa Boracay party na labag sa quarantine protocol

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 06:24 PM | Updated as of Jun 18 2020 02:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Pinasibak sa puwesto ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang isang regional director ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos umanong magsagawa ng despedida party ang mga tauhan niya sa Boracay, kung saan ang isa ay kalauna'y nalamang may COVID-19 pala.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, galing Iloilo ang grupo ng BFP personnel na pumunta sa Boracay noong Hunyo 12 ng hapon.

Nakapasok sila sa isla dahil sinabing kasama sila sa conference ng Boracay inter-agency task force doon. Ito'y kahit pa nakaalis na ang mga kalihim at task force.

Nag-check-in sa hotel ang mga taga-BFP nang 2 gabi at nagdaos pa umano ng despedida party.

Habang nasa Boracay, napag-alaman ng isang BFP personnel na positibo sya sa COVID-19.

"Ang nakakagalit ay alam naman nila na bawal at nagsabi pa na kasama daw namin eh umalis na kami noon. 24 silang pumunta. Bawal 'yon," ani Puyat.

Ayon kay Año, sinibak na niya sa puwesto ang regional director ng BFP pati ang mga personnel na kasama sa party.

Pina-quarantine na ang mga ito at nahaharap sila sa mga kasong administratibo.

"Siyempre nadismaya ako, unang-una dapat nga ay tayo ang ehemplo ng pagpapatupad... Hindi siguro nila intention pero dapat discerning, dapat binabantayan mo kilos mo... They also put in danger also 'yung ibang personnal ng hotel," ani Año.

Babawiin naman ng DOT ang certificate to operate ng hotel na nagpatuloy sa mga guest kahit hindi pa ito nabibigyan ng permiso noong Hunyo 12.

Ayon sa Malay, Aklan local government unit, 58 tao ang napapasailalim sa quarantine na posibleng nakasalamuha ng mga positive case.

Sabi naman ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista, malaki ang epekto nito sa kanila. 

"Malaki talaga 'yung negative impact to Boracay pero anyway tao lang naman 'yun baka nakalimutan lang nila, pero 'yung ginawa nila hindi maganda," ani Bautista.

Sa inilabas na pahayag ng BFP, nagnegatibo na sa rapid test ang 197 na mga personnel nila kabilang ang mga personnel ng Iloilo office ng Provincial Fire Marshal at Iloilo City Central Fire Station.

Nagsagawa na rin sila ng decontamination sa kanilang fire stations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.