ALAMIN: Paano kino-compute ang separation pay ng tinanggal na empleyado

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 07:50 PM | Updated as of Jun 20 2020 07:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Pitong taong caretaker at bantay sa isang pagawaan ng furniture si Reynaldo Borromeo.

Buong akala niya ay balik-operasyon silang lahat nitong Hunyo pero inanunsiyo ng kompanya ang masamang balita na kailangang magbawas sila ng mga tauhan para maisalba ito. Isa si Borromeo sa mga nawalan ng trabaho. 

"Papasarado po nila 'yung sanding area na binabantayan ko po, pinauuwi na nila ako kasi sabi po nila wala na daw po akong babantayan," aniya.

Pero lalong nanlumo si Borromeo dahil sa 7 taon niyang ipinaglingkod sa kompanya na P500 suweldo kada araw ay P5,000 lang ang kaniyang matatanggap na separation pay.

Kasama na raw doon ang 13th month pay.

Nagmatigas si Borromeo at hindi tinanggap ang kaniyang separation pay.

"Pangpamasahe pauwi lang po sa Bacolod kulang pa 'yan po baka hindi pa 'yan nakarating sa gitna ng dagat," ani Borromeo.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), agrabyado si Borremeo sa separation pay na natanggap niya.

"Bigla na lang sinabing magsasara at binigyan na sila ng separation pay at pagkaliit-liit, malamang hindi po talaga ito nararapat at puwede po itong i-contest ng ating mga workers," ani DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay.

May paalala rin si Tutay sa mga empleyadong may reklamo. 

"Isa rin pong importanteng tatandaan ng ating maggagawa at ating mga employer is prior to the termination, it should be 30 days na ipaalam po dun sa worker. Hindi naman siya puwedeng abruptly bukas wala ka nang trabaho... We encourage the workers to file a complaint before the DOLE kasi kami naman we ensure na 'yung separation benefits po ay talagang nabibigay po ng mga employer dun sa kanilang manggagawa," ani Tutay. 

Sa separation pay computation, kung sumasahod si Borromeo ng P12,000 kada buwan, kunin ang kalahati nito sa bawat taon ng kaniyang serbisyo.

Kaya't nasa P42,000 dapat ang kaniyang separation pay at hindi P5,000 lang.

Ayon sa DOLE, walang kompromiso sa separation pay pero maaaring makiusap ang employer sa manggagawa ng pautay-utay na pagbabayad sa loob nang 6 na buwan.

Sabi naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), dapat na ibigay ang nararapat na separation pay sa mga manggagawa. Pero marami raw ang said na said ang mga kompanya.

"Kung bankrupt talaga ano ang magagawa natin, hindi mo naman puwedeng paduguin ang bato, wala tayong magagawa kung bankrupt talaga," ani ECOP president Sergio Ortiz-Luis.

Mula Enero hanggang Hunyo 15, lagpas 2,000 na ang nagsasarang establisimyento at nasa 80,000 ang manggagawang nawalan ng trabaho.

Itong buwan lang, nasa 1,000 kompanya na ang nag-abiso sa DOLE na magsasara o magbabawas ng tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.