ABS-CBN di nawala sa pag-aari ng mga Lopez kahit martial law: Enrile

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 08:19 PM | Updated as of Jun 17 2020 08:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sumalang sa ika-7 pagdinig ng joint committee ng Kamara para sa ABS-CBN franchise nitong Miyerkoles sina ABS-CBN vice chairman Augusto "Jake" Almeda Lopez at dating Senate President Juan Ponce Enrile para idetalye kung paano naibalik sa pangangasiwa ng mga Lopez ang kompanya. 

Kinumpirma ng defense minister ng diktadurang Marcos na si Enrile na hindi nawala sa pamilya Lopez ang pagmamay-ari ng ABS-CBN kahit tinakeover ng gobyerno ang mga ari-arian ng network.

"The titles of all of these facilities were never transferred to the government. They remained with the owner, hindi po tama 'yung sinabi ni Jake Almeda Lopez na inagaw ni President Marcos 'yung ABS-CBN," ani Enrile.

Niliwanag din ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na base sa records, hindi nito sinequester ang ABS-CBN pero nadamay ang assets nito na ginagamit ng mga kompanyang sinekwester ng PCGG mula sa mga Marcos cronies.

Ayon sa 95 anyos na si Almeda Lopez, may kasulatan sila noon na nagsasabing nabawi na ng pamilya Lopez ang ABS-CBN at pumapayag silang gamitin ng gobyerno ni Cory Aquino ang ABS-CBN.

Iginiit naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na isumite ang lahat ng arbitration records para maging katunayan ng pagsasauli ng gobyerno sa ABS-CBN sa pamilya Lopez.

Humingi naman ng palugit si ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak na hanapin ang mga hinihinging dokumento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.