$54,000 na isinilid sa magazines mula Hong Kong, nasabat sa Clark

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 02:59 PM

Nakaipit sa magazines ang $54,000 na nasabat na misdeclared shipment sa Port of Clark, Pampanga noong Hunyo 5. ABS-CBN News

Nasabat ang higit $54,000 (P2.7 milyon) mula sa isang shipment umano ng magazines mula Hong Kong sa Port of Clark, Pampanga noong Hunyo 5.

Dumating ang shipment na idineklarang naglalaman ng Chinese cookbooks sa Port of Clark noong Mayo 25, ayon sa Bureau of Customs-Clark.

Isinailalim ito sa physical inspection dahil kaduda-duda umano na parehong Pilipino ang nagpadala at padadalhan ng umano'y idineklarang "Chinese cookbooks recipes."

Nasamsam ang 540 piraso ng $100, 2 piraso ng $50, 4 piraso ng $20, 1 piraso ng $10 at 5 piraso ng $5. Ang iba rito ay nakasobre pa at nakadikit sa mga pahina ng 7 magazine na nakuha.

Nag-issue na ng warrant of seizure and detention ang Clark Customs district collector sa nasabat na shipment kaugnay ng paglabag nito sa Customs Modernization and Tariff Act.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang Filipina sender at receiver ng shipment.

--Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.