PatrolPH

45,000 indigent families sa San Juan makakatanggap ng food packs

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 03:15 PM | Updated as of Jun 17 2020 04:28 PM

MAYNILA - Kahit naka-general community quarantine na ang San Juan City, nakatakdang makatanggap ng food packs ang 45,000 mahihirap na pamilya mula sa lokal na pamahalaan. 

Nitong Miyerkoles sinimulan ang pamamahagi ng mga food pack sa mga residente.

“Bagamat GCQ na, ang realidad marami pa rin ang hirap sa buhay. Mga nawalan ng trabaho at nangangailangan pa rin,” paliwanag ni San Juan Mayor Francis Zamora. 

Sa loob ng 7 araw gagawin ang pamamahagi ng food packs sa 21 barangay ng San Juan. 

Ito umano ang ika-11 bugso ng pamamahagi nila ng relief goods magmula noong ilagay sa lockdown ang buong Metro Manila. 

Halimbawa sa mga umaaray pa rin umano sa general community quarantine ang isang refrigerator at aircon repair technician na Cristanto Balaie. 

Ayon kay Balaie, matumal pa rin ang kanilang kita ngayong kakaunti pa rin ang mga lumalabas sa bahay gawa ng COVID-19 pandemic. 

“Yun nga lang, walang kita. Medyo higpit higpit ng sunturon,” ani Balaie. 

Ito rin ang pangamba ng 61 anyos na street food vendor na si Bernadette Falcon. 

Kaya naman aniya malaking bagay ang makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. 

Samantala, binigyan ng food allowance at food packs ang aabot sa 10 locally-stranded individuals na pinauwi na ng LGU noong Lunes. 

Kasama rito ang 9 printing press workers mula Masbate at isang domestic helper mula Cavite. 

Sa ngayon, nasa 340 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa siyudad. Dito, 242 ang gumaling na habang 44 ang namatay. Aabot sa 54 ang aktibong kaso ng COVID-19. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.