4 naaktuhang pumuslit pauwi sa Negros Occidental mula Cebu

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 11:07 PM

Apat na residente ng bayan ng Calatrava sa Negros Occidental ang hinuli ng mga barangay tanod matapos mahuling lumabag sa quarantine protocols ng bayan.

Sakay ang apat ng isang bangka mula Balamban sa Cebu. Dumaong sila sa isang resort sa Barangay San Isidro sa Calatrava nitong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Philippine Coast Guard, agad na tumakas ang kapitan ng bangkang sinakyan ng mga residente pabalik sa Toledo, Cebu. 

Nahuli naman ng PCG sa Cebu ang nasabing kapitan ng bangka. Aniya, napag-utusan lamang siya ng chairman ng Barangay Sto. Niño sa Toledo na si Amado Baron na isakay pabalik sa Calatrava ang kaniyang mga kamag-anak.

Dinala na sa quarantine facility sa Calatrava ang apat na residente habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon kay Baron.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.