16 anyos na lalaki, patay matapos matuklaw ng alagang cobra

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 10:43 PM

Patay ang isang 16 anyos na lalaki matapos tuklawin ng kaniyang alagang cobra sa lalawigan ng Capiz.

Ayon sa ina ng biktima, Martes ng madaling araw nang nakita niyang nangingitim na habang nakahiga ang biktima sa sala ng kanilang bahay.

Dinala sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival.

Kinalaunan, nalaman ng pamilya na tinuklaw pala ang biktima ng kaniyang alagang cobra dahil sa mga larawan ng sugat nito na nakita sa kaniyang cellphone.

Ayon pa sa ina ng biktima, hindi nagsabi ang kaniyang anak na natuklaw ito. 

Hindi rin aniya siya nagkulang sa pangaral sa anak dahil nagalit pa siya nang unang beses iniuwi ng anak ang alagang cobra.

Bukod sa ahas, mahilig rin umano sa exotic animals ang biktima. May alaga rin itong isda, alligator gar, gecko, tarantula, at iba pa.

Hindi na ini-report ng pamilya sa pulis ang nangyari pero mahigpit ang paalala ng pulisya na huwag gawing alaga ang mga wild animals lalo na ang mga may kamandag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.