Sanggol patay nang mahulog sa baldeng may lamang tubig

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 05:32 PM

BACOLOD CITY - Isang anim na buwang sanggol ang namatay matapos mahulog sa isang balde na may lamang tubig Lunes ng madaling araw sa isang palengke sa Bacolod City.

Ayon sa lola ng biktima, hindi umano namalayan ng mga magulang ng sanggol ang nangyari. Maaari umanong gumapang ang bata habang natutulog sila sa ibabaw ng mesa na ginagamit nila sa kanilang pagtitinda.

Dagdag pa ng lola, bandang alas dos ng madaling araw nangyari ang insidente. Nagising na lamang umano ang mag-asawa at nakitang nakalublob na sa balde ang kanilang anak.

Agad dinala sa ospital ang sanggol pero hindi na ito nakaligtas. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may nakahalo pang oxalic acid sa tubig na nasa balde.

Nagtitinda ng gulay at prutas sa palengke ang pamilya ng biktima. Doon na rin sila natutulog.

Ayon pa sa lola ng sanggol, hindi naman masisisi ang mga magulang dahil pagod rin ang mga ito sa araw araw na trabaho.

Nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na palaging bantayan ang mga anak, lalo na kung sanggol pa ang mga ito para maiwasang maulit ang ganitong insidente.

Nakatakdang magsagawa ng inspeksyon ang pulisya sa mga stall sa Libertad Market para masigurong hindi na maulit ang ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.