'Pag-ulan walang epekto sa imbak sa Angat Dam'

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 09:20 PM | Updated as of Jun 17 2019 10:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang epekto ang mga bumabagsak na ulan kamakailan sa imbak ng tubig sa Angat Dam, ayon sa opisyal ng National Water Resources Board (NWRB). 

Ayon sa NWRB, hindi nababagsakan ng ulan ang Angat watershed kaya walang naiipong tubig sa dam.

"It's raining in the wrong place," ani NWRB executive director Sevillo David.

Patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam na pinangangambahang magdudulot ng water interruption sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukuhanan ng tubig ng mga water concessionaire na Maynilad at Manila Water.

Inaasahang mailalatag sa Martes ang maliwanag na schedule ng water interruption o rationing ng Maynilad at Manila Water.

Bumaba sa 162.10 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam nitong alas-4 ng hapon ng Lunes. Nasa 160 metro ang itinuturing na critical level.

Sakaling bumagsak ang tubig sa Angat, paaandarin ng NWRB ang low level outlet ng dam para may mapiga pa ring tubig. 

Kailangang matiyak umano ang kalidad ng tubig na makukuha sa outlet sakaling bumaba pa sa critical level ang antas ng tubig.

Matinding direktiba rin ang pinararating sa mga pamahalaang lokal.

Kung kinakailangan, magpasa umano ng resolusyon para mapilitang magtipid, reuse at recycle ng tubig sa bawat barangay.--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.